STATE OF THE REGION ADDRESS (SORA)
of
ARMM RG MUJIV HATAMAN
Bismillahir Rahmanir Rahim.
Assalamu Alaikum Warahmatullahi
Wabarakhatu//
Mga kababayan, sa unang pagkakataon ako ay
humaharap at mag-uulat sa inyo sa tunay na estado ng ating rehiyon.
Hindi lingid sa ating kaalaman, dugo, buhay
ng ating mga ninuno ang puhunan kung bakit nabuo ang ARMM.
At hindi rin po lingid sa ating kaalaman
nang dahil sa kanilang mga sakrpisyo kung bakit nandito tayo ngayon.
At ngayon, di ba dapat handa rin tayo
magsakripisyo upang tuparin ang kanilang mga sinimulan at mga pangarap.
Kayo, ako at ang ating mga ninuno ay pare
pareho ang mga pangarap, ito ay ang pagkakaroon ng isang mapayapa at
malayang pamayanan at tunay na
kapaki-pakinabang na pamahalaan para sa ating mga kababayan:
-Isang pamahalaan na bukas sa ating
mamamayan
-isang pamahalaan na may pananagutan sa ating mga kababayan
- at isang pamahalaan na tunay na alipin ng
mamamayan at hindi yaong naghari-harian.
Ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit magkakasama tayo ngayong hapon.
Mga ilang taon na ang nagdaan, kakambal ng
ARMM ang salitang kurapsyon at
pandaraya. Kung saan ang pera ng taong bayan ay napupunta lamang sa wala.
Mga ilang taong ding nagdaan, kakambal ng
ARMM ang kaguluhan at kahirapan. Libu-libong pamilya ang gumagapang na sa lusak
gumagpang na nga sa kumunoy ng kahirapan ay napipilitan pang lumikas sa
kanilang mga tahanan at mga sakahan bunga ng digmaan at hidwaan.
Ito ang dahilan kung bakit ang pamahalaan ni
Pangulong Aquino ay pursigidong magkaroon ng malawakang reporma at pagbabago sa
sistema ng pamamahala sa ating rehiyon.
Ito rin ang dahilan kung bakit pursigido si
Pangulong Aquino at kanyang mga kaalyado sa suporta ng buong gobernador ng ARMM
at kongreso na maisabatas ang RA 10153 o ARMM synchronization law.
Layunin ng batas na ito ay hindi lamang
pagsabayin ang pambansa at lokal na halalan kundi nagtatakda ito ng
transitional na pamahalaan sa rehiyon upang magpatupad ng mga kaukulang reporma
at pagbabago.
Dito ho natin hinugot ang ating mandato ng pamamahala
sa ARMM. Malinaw ang ating atas, ang linisin ang buong burukrasya ng ARMM at
magpatupad ng reporma upang makamit ang malawakang pagbabago sa ating rehiyon.
Apat na araw na lang mula ngayon ay opisyal
na tayong mag iisang taon sa
panunungkulan. Napakabilis po ng
panahon. Ngunit kahit sa napakaigsing pagkakataon pwede na po nating ipagmalaki
ang ating mga nagawang reporma at pagbabago.
Unti unti na nating naibabangon ang ARMM at
pwede na rin tayong mangarap muli mga kababayan. At isinusumpa namin sa inyo, at
itaga ninyo sa bato, na gagawin natin ang lahat upang unti-unti nating makamit
ang ating mga pangarap – mga pangarap na sinimulan ng ating mga kanunu-nunoan.
Isa sa mga pangarap ng bawat magulang ay ang
pagkakaroon ng magandang edukasyon para sa kanilang mga anak. Subalit
nakakalungkot isipin na nahuhuli po tayo sa lahat ng aspeto sa larangang ito.
Dahil dito mga kababayan,inaaanyayahan ko po kayo na panoorin natin ang maigsing
palabas upang maglalarawan ng tunay na kalagayan ng edukasyon sa ating rehiyon.
Ayon sa talaan ng EBEIS (Enhanced Basic
Education Information System) ng DepEd-ARMM sa 2011, Kulang tayo ng LIMANG LIBO
LIMAMPU’T PITO (5,057) silid-aralan, TATLONG LIBO APAT NA RAAN AT PITUMPOT
SIYAM (3,479), na mga guro; at ang
kakulangan natin ng upuan ng mga mag-aaral ay umabot ng kulang-kulang ng
KALAHATING BILYON!
Maliban dito nariyan pa rin kahit
blackboard, chalks at eraser kailangan pa ng ating mga teacher humingi at
magsolicit sa mga magulang na naghihirap sa ating rehiyon, kahit na dadaan kayo
mula Cotabato papuntang Zamboanga o Lanao makikita nyo ang mga flagpole na wala
nang mga watawat na simbolo sana ng ating pagiging nasyonalismo at paging ARMM.
Ang lahat ng mga kakulangang ito ay
unti-unti nating sinasagot sa pangunguna ng bagong pamunuan ng DepEd.
Inaasahan natin na sa pagdating ng 2013, ay
makakapagpatayo tayo ng 2,950 na school building at malamang ay mahihigitan pa
natin ito dahil sa 2,500 school-building
projects ng BEAM-ARMM na kabahagi ng
P3.9 bilyon na tulong mula sa Aus-AID at Australian government. Kung kaya’t maraming
salamat sa Australian government, maraming salamat sa Aus-AID.
Ang kakulangan natin sa mga guro ay
mapupunuan na rin po natin pagdating ng 2013.
Nangako po si Pangulong Aquino at ng DBM at maibibigay sa atin ng mahigit 2000 item ng kakulangan pagdating
sa 2013.
Habang target po natin ng 50% ang kakulangan
sa upuan sa darating na 2013.
Sa kabuu-an, ang mga kakulangang nabanggit
ay tuluyan na mapupunuan sa patuloy na pag-lilinis ng DepEd-ARMM sa talaan ng
estudyante. Ang ating paglilinis ay nagbigay daan sa pagdiskubre ng 75,229
ghost students nuong taong 2012.
Pinunu-an natin ang kakulangan sa watawat at
nagsimula na tayong magbigay ng mga blackboards. Nitong taon, limang libong
blackboards ang ating ipinamimigay at patuloy tayo mamimigay hanggang ang lahat
ng silid aralan ay magkakaroon ng mga blackboards.
Kasabay ng pagbibigay natin ng atensyon sa
mga kakulangang pang-edukasyon, ay ang pagpapahalaga natin sa kapakanan ng
ating mga guro. Kung kaya prayoridad natin ang maaga at tamang pasahod.
Sinundan natin ito ng pagsasaayos ng kanilang Step Increments.
Marahil, hindi naman lingid sa ating
kaalaman na napakarami sa ating mga guro ay sadlak sa utang. At ang inaasahan
nating benepisyo mula sa GSIS ay walang hong kasiguraduhan. Ang napakatagal na
suliranin ng ating mga guro patungkol sa kabayaran ng mga loans at benepisyo sa
GSIS ay buong tapang nating hinarap, sa pamamagitan ng pakikipag-usap at
paglagda ng kasunduan sa GSIS. Inuna nating binayaran ang utang ng DepED-Marawi
sa halagang (P5 million) ng di pa ito kasama sa ARMM. At
ganun din po ang aking probinsiya, ang probinsya ng Basilan, bago poi to sumapi
sa ARMM, nagkaroon ng utang na (P14 million) at binayaran na rin po ito ng
DepEd-ARMM, kung kaya’t kung tatanungin natin ang guro ng Marawi at Basilan,
nakakautang na po sila sa GSIS ngayon ng hindi bababa sa 200,000 pesos.
Eto po ang magandang balita, at sa susunod
na taon, ay tuluyan na nating mababayaran ang kabuuang utang ng DepED-ARMM na
humigit-kumulang po ng P1.9 billion alinsunod sa pangako at kagustuhan ng Pangulong Aquino na matuldukan
na ang utang na ito. Pero eto po ang sambit ng ating pangulo, kung sino ang
nagwaldas ng pera ng GSIS ay dapat lamang po na pananagutin natin. Hindi po
pwede walang magbabayad dito sa utang na ito at hindi rin daw puwede, sabi ng
ating pangulo na walang managot at makulong sa 1.9 billion na ito.
Sa pagpasok ng taon ay pwede nang mag loan
ang ating mga guro mula sa Land Bank, bunga ng Memorandum of Agreement na
pinirmahan natin nung 2 buwan na nakakaraan, alam nyo merong mga guro, ang
utang lang 9 years ago ay 100,000 sigurado ako andito ang teacher na yun, kung
andito ka man, pwede po kayong tumayo. Noong
nakaraang buwan umabot ng 800,000 ang kanyang utang. Araw-araw, buwan-buwan ay
kinakaltasan kaya pakiusap po natin sa mga nagpapautang tigil-tigilan na natin
dahil hindi namin kayo tatan-tanan at hindi kami makakapayag na gawin nating
negosyo ang edukasyon sa ating rehiyon.
Dahil sa pagsusumikap ng DepEd sa
pagpapatupad ng repormang pinansyal, nakalikom ito ng 224,227,269.90 pesos.
Kaya inatasan na natin si Sec. Jamar Kulayan na magsimula ng pagbayad ng
BACKPAYS at SALARY DIFFERENTIALS ng 2011 at 2012.
May nalikom din ang DepED-ARMM na P135 million na pwede nating gamitin sa pagsasaayos ng mga
silid aralan at pambili ng mga upuan.
Upang itaguyod at paigtingin ang kampanya sa
pagtataas ng antas ng kalidad ng edukasyon sa ARMM, ang pamunuan ng DepEd ay
naglunsad ng mga programa at mga proyekto na ngayon lang naipatupad. Tinagurian
nila itong “37 Firsts of DepED-ARMM”. Napapaloob na dito ang iba’t-ibang
suporta at tulong sa pamamagitan ng training at capacity building mula sa
iba’t-ibang organisyon tulad ng PLDT-SMART Foundation, SEAMEO-INNOTECH, Synergia,
AMORE, AAI, UNICEF, GIZed-Fit For School, USAID pati na rin si Ronald McDonald
na kasalukuyang nagbibigay ng libreng training sa Alnor.
At di rin natin nakalimutan ang tulong ng
butihing pamahalaan ng Australia na nagbigay ng P3.97 Billion tulong pinansyal
sa pagpapatupad ng BEAM-ARMM Program kung saan napapaloob ang Early Childhood
and Basic Education, School Health, Tech Voc training para sa mga Out Of School
Youth, at ang pagpapagawa ng Learning Centers sa mga liblib na sitio at
barangay na walang paaralan na siyang ipapatupad ng kilalang NGO mula sa
Bangladesh (BRAC).
Hindi po kumpleto ang ating programa sa
Edukasyon kung walang direktang benepisyo sa ating mga mag-aaral. Sa ngayon,
tayo ay may 6, 540 iskolars sa ilalim ng TESDA at 607 scholars sa ilalim ng
Commission on Higher Education.
Muli, tayo ay nagpapasalamat sa mga
institusyong patuloy na tumutulong sa atin, dahil ito ay simbolo ng kanilang
tiwala sa atin.
On
Health
Dati- rati lagi nating naririnig hindi lamang
sanggol ang namamatay, kundi pati nanay sa panganganak, at minsan ay sanggol at
nanay sabay- sabay.
Mayroon tayong mga kababayan na di man lang
nakakita ng doktor mula pagkabata. Mayroon din tayong mga kababayan na kelangan
pang maglakad o magbangka ng ilang oras bago makarating sa isang pagamutan o
health center.
Dati, sa 100,000 livebirths, 245 na ina ang
namamatay, ngayon bumaba ito ng 66.
Bumaba din ang bilang ng mga sanggol na namamatay sa kada 1,000
livebirths mula 55 sa 18 na lamang. Hudyat po ito na nakamit na natin ang
target sa ilalim ng Millenium Development Goal. Salamat sa DOH.
At sigurado tayong lalo pa itong bababa, sa
pagpasa ng Reproductive Health Care Law, salamat sa RLA. Dahil dito, ay mas
marami pa tayong buhay na maisasalba.
Nagdagdag na rin po tayo ng 199 na health
facilities sa buong rehiyon kasama ang 18 ambulansya na gagamitin ng ating mga
hospitals.
At bukod dito nadagdagan na rin po ng 80,000
na pamilya ang nabiyayaan ng PhilHealth.
On
Livelihood
Maliban sa edukasyon at kalusugan, ang
kawalan ng trabaho ay isa rin sa resulta ng matinding kahirapan.
Ang Bureau Of Fisheries and Aquatic
Resources ay nag lunsad ng Fish for Peace program na may apat na components:
Kapayapaan
Bantay Dagat
Binhi ng Kapayapaan
Kabuhayan Pangkapayapaan.
Sa ilalim ng programang ito, tayo ay
nakapamigay ng 61 units ng Payao na pinakinabangan ng 1, 525 na mangingisda.
Dahil sa Bantay Dagat, 70 porsyento ng ating coastlines ay nasa ilalim na ng
protection coverage ng BFAR. Naka organisa tayo ng mga Bantay Dagat at sila ay
binigyan natin ng kaukulang kagamitan tulad ng motor-engined boats, marine
engines, MCS Patrol boats, at 28-footer patrol boats. Dahil dito, ang ating
Bantay Dagat ay nakahuli ng isang foreign-registered fishing vessel noong Abril
22, at nailigtas natin ang 5 bundles ng black coral, 52 hawksbill turtles at
600 kilograms ng hammerhead fish na declared endangered species.
Sa Binhi ng Kapayapaan, nakapamigay ang BFAR
ng 5.522 million species ng Tilapia fingerlings at 679,000 pieces ng carp
fingerlings sa 2,698 na beneficiaries. At sa Kabuhayan Pangkapayapaan,
nakamigay ang BFAR ng gillnets, hook and lines, fishpots, motorized at
non-motorized bancas at fish corals, sa 10, 101 na mangingisda at 105 na
asosasyon.
Maraming salamat sa BFAR.
Kasabay ng mga initiatiba tungo sa pag
aangat ng ekonomiyang katayuan ng ating mga kababayan, patuloy rin tayong
namamayagpag sa paghahatid ng mga programa ng pamahalaan upang maibsan ang
kahirapan, salamat sa ating Department of Social Welfare and Development, sa
pamumuno ng ating mahal na Regional Vice Governor Bainon Karon.
Mayroon na tayong
P625,000,000.00 Micro Livelihood Enterprise para sa capacity building ng mga
kababaihan mula sa Transition Investment Support Plan o Stimulus Fund sa DSWD.
Nakapagbigay na rin po tayo
ng P214,750,000.00 capital seed fund para sa 2,500 asosasyon ng
Self-Employment Assistance-Kaunlaran o SEA-K sa buong rehiyon.
Umabot na rin sa 8,836 senior citizens
ang beneficiaries ng Indigent Senior Citizens Social Pension Program ng
DSWD-ARMM.
Nakapamahagi na rin tayo
1,538 ng Free Birth Certificates sa tulong ng UNHCR.
Nakapagrelease na rin po tayo ng halagang P691,865,000.00
para sa 18,900 mga benepisaryo ng programang Cash for Work maliban pa sa
P215,300,000.00 para sa 21,530 benepisaryo ng Sustainable Livelihood Program.
Umabot na po sa 317, 733 pamilya ang
nakakabenepisyo ng 4Ps sa buong rehiyon.
Nakapagpatayo na rin tayo
ng 209 Modified Shelter Assistance at 140 units pa ang on-going para sa mga
IDP’s sa Maguindanao, Sulu at Basilan.
Kung dati-rati karamihan sa ating mga
magsasaka ay nagpapakahirap na mag bungkal ng lupa na hindi nila pag aari,
ngayon mayroon nang 286 mga magsasaka sa rehiyon ang malayang makapagsaka sa
kanilang sariling lupain matapos mabigyan ng Certificate of Land Ownership
Awards o CLOAs ng DAR-ARMM. Ito po ay totoong lupa, at
totoong magsasaka, wala pong ghost dito.
On infrastructure
Dati rati ay umaabot ng lampas dalawang
oras ang tinatagal upang makarating ang mga tao mula sa munisipyo ng Panglima
Sugala papuntang Bongao, subalit ngayon po ay hindi na umaabot ng isang oras ang paglalakbay nila, salamat sa
naipatayong tulay na nagdugtong sa dalawang isla na nagkakahalaga ng P337
milyon.
Hindi lamang po natin kinonekta ang mga
isla ng Tawi Tawi at nilagyan ng tulay sa ibabaw ng dagat. Dahil sa ito ay
napapaligiran ng dagat, maging ang tubig nito ay maalat, kaya sa 320M na
pondong kailangan para sa sistemang patubig ng
Tawi Tawi, ang Regional Government, sa pamamagitan ng RLA ay naglaan ng
70M para dito. Ngunit, ang initiatibang ito ay nagbigay daan sa isang magandang
balita, inako na ni Pangulong Aquino ang buong 320M para sa patubig ng Tawi
Tawi kung kaya’t ang 70M ay mapupunta na sa pagsesemento ng kalsada ng Panglima
Sugala-Bongao Road.
Noong Hunyo nitong taon, ay ipinagmalaki natin ang
P59.2 milyon savings sa DPWH na nagamit natin sa pagbili ng mga bagong heavy
equipment na ipamamahagi sa ibang-ibat distrito sa rehiyon.
Ang savings na ito ay tinuring nating parang
milagro, dahil hindi pa nangyari sa kasaysayan ng ARMM ang ganito. Ngunit
makalipas ang anim na buwan, ay muli nating napatunayan na hindi ito imposible,
bagkus ay natural na resulta ng malinis at maayos na pamamahala. Muli, dahil sa
open competitive bidding at prudent fiscal management, na kanilang ipinatupad,
ang DPWH ay nakalikom muli ng savings na P46.775 Million na ating gagamitin sa
pagbili ng karagdagang heavy equipment para sa ating mga distrito.
Taon-taon, tayo po ay binibigyan sa ilalim ng
General Appropriations Act ng P1 bilyon para sa infrastructure projects.
Dati-rati ito ay kadalasang ginagamit para lamang sa re-gravelling of farm to
market roads. Ngunit sa ating administrasyon, ito po ay ating ipinagbawal,
bilang tugon na rin sa polisiya ng ating Pangulong Noynoy Aquino na pagbabawal
sa ganitong proyekto.
Maraming salamat sa ating Regional Legislative
Assembly, na isinantabi ang kanilang interest at ipinasa nila ang reformed
Public Works Act, kung saan ang 1 bilyon pondong ito ay gagamitin sa mga
priority infrastructure projects na tunay na tumutugon sa pangangailangan ng
ating mga kababayan tulad ng national roads and bridges; strategic
infrastructure in support to tourism, agriculture, peace and security, public
health and sanitation; other
infrastructure for conflict and calamity affected arreas.
At isa pang magandang balita, dahil sa ating
pagsusumikap, at muli, dahil sa panunumbalik ng tiwala ng Pambansang Pamahalaan
sa ARMM, tayo ay nabigyan ng karagdagang 510 Million pesos o 50% kaya’t para sa
taong 2013, tayo ay may P1.5 Billion sa
pondong pang imprastraktura.
On Peace and Security
Pumunta naman po tayo sa usaping
seguridad at pangkapayapaan.
Isang larawan ng magulo at puno ng
karahasan ang umuukit sa pangalang Autonomous Region in Muslim Mindanao. Ayaw
po nating manatili at magpatuloy ang ganitong uri ng pananaw ng ating mga
kababayan ukol sa ARMM.
May dalawang mukha ang kaguluhan sa
Muslim Mindanao. Una, ang hidwaan sa pagitan ng Pambansang Pamahalaan at ang
mga revolutionary groups, at pangalawa, ang hidwaan sa pagitan ng mga pamilya o
Rido, na ayon sa pag aaral ng Asia Foundation ay sanhi ng halos singkwenta
prosyento ng kaguluhan dito sa atin.
Ang unang mukha ng kaguluhan ay
nakasalalay sa usaping pang kapayapaan sa pagitan ng GPH at MILF. Ito po ngayon
ay may nakikitang maliwanag na pag-asa, at tayo ay lubos na nagpapasalamat at
patuloy na sumusuporta, sa nilagdaang Framework Agreement on the Bangsamoro.
Ang pagharap sa usaping Rido, ay
sinimulan natin mismo sa sarili nating
bakuran - noong Hunyo po, ay nagkaroon tayo ng peace covenant o
rekonsilyasyon sa pagitan ng aking pamilya at ng mga Akbar na nagtapos ng ilang
taong hidwaan na nagdulot ng di magandang resulta sa magkabilang
pamilya pati na sa ordinaryong mamamayan ng Basilan.
Kasabay rin nito ang pagtulong na
maresolba ang hidwaan at pagbibigay daan sa pagkakasundo ng mga nagkakahidwaang
pamilya sa loob ng rehiyon na kumikitil ng mga inosenteng sibilyan, sa
pangunguna ng Regional Reconciliation and Unification Commission.
Hindi rin po natin iniiwan ang
adbokasiya laban sa paglansag ng mga private armies sa loob ng ARMM.
Inaamin natin, na isa itong malaking suliraning nagbunga na rin ng
sangkatutak na perwisyo sa ating lipunan, kabilang na ang isang masaker na
kumitil sa lampas limamput katao. Ngunit, ito ay isa sa pinakamalaking hamon,
hindi lamang para sa akin bilang Gobernador, kundi para sa ating lahat. Hindi
po nating kaya mag-isa ang laban sa karasahan, kailangan ko kayo, magtulungan
tayong isulong ang isang pamayanan malaya sa kaguluhan, malaya sa pang-aabuso,
at malaya sa karahasan.
Sa puntong ito, ay nais kong ipaalala
ang kahalagahan ng tuwid na pamamahala di lamang sa regional government kundi
maging sa ating mga local government units. Ang isang matatag, mahusay at
epektibong paglilingkod at pagbibigay serbisyo sa bayan ang siyang susi sa
mapayapa at masaganang pamayanan.
Ipinagmamalaki ko pong ipaalam sa inyo,
sa pangunguna ng DILG-ARMM, sa ilalim ng dati nitong Regional Secretary Haroun
Alrashid Lucman, Jr. at sa suporta ng yumaong DILG Secretary Jesse
Robredo, iba-ibang programa tungo sa
pagpapatibay ng mga institusyong pang reporma ang nailunsad sa ating mga local government
units, hindi lamang sa mga probinsiya at munisipyo, kundi maging sa mga
barangay.
355 barangays po ang sumailalim sa
Development Planning and Community Investment Programming na naglalayung
ma-capacitate ang ating mga barangay officials sa rehiyon.
Bukas, lubos at may pananagutan na
pamamahala, ang ilan sa mga hinahanap nating katangian ng isang matuwid at
epektibong pamamahala o ang tinatawag nilang seal of good housekeeping, at sila
po ay nahanap natin.
Mga kababayan, kilalanin po natin ang
mga recipient ng Seal of good Housekeeping Award ng ating rehiyon: ang mga
munisipyo ng Wao at Ganasi ng Lanao del Sur ... munisipyo ng Parang, Upi, Datu
Odin Sinsuat at Sultan Mastura ng lalawigan ng Maguindanao... at
munisipyo ng Siasi sa Sulu.
Kasabay ng good housekeeping na ito, ay
ang paggawad din sa kanila ng Governance Reform Fund na nagkaka-halaga ng P1M.
Hindi rin po nating isinasantabi ang
usapin ng karapatang pantao. Sa loob ng mahabang panahon, ngayon lang sa loob
ng ating pamamahala, nagkaroon ng tanggapan ang Commission on Human Rights sa
ARMM. Salamat din sa RLA, sa pangunguna ni Committee Chair Hon. Zia Adiong.
Malaki rin po ang pagpapahalaga natin
sa kapakanan ng ating mga kababaihan. Bago lamang inilunsad natin sa pangunguna
ng Regional Commission on Bangsamoro Women ang Violence Against Women o VAW
Hotlines upang himukin ang ating mga kababaihan sa rehiyon na biktima ng
ibat-ibang klase ng karahasan at pagmamalupit na magsumbong sa pamamagitan ng
text o tawag sa naturang hotlines.
Binuo rin natin ang ARMM
Council Against Trafficking o ACAT at binigyan natin ng pondong P2 milyon upang
maumpisahan ang pagwawakas sa laganap na pangangalakal ng tao sa ating Rehiyon.
CHANGE: Pumasok tayo sa
gitna ng hampas ng Sendong, kung saan ang ating Rehiyon ang sinisi sa
trahedyang nangyari. Kaya isa sa unang Executive Order na inilabas natin ay ang
pagbabawal ng pamumutol ng kahoy sa buong Rehiyon. Nananatili at naging
matagumpay ang polisiyang ito. Maraming salamat sa suporta ng ating kapulisan
at military.
Mataas na rin po ang kahandaan ng ating
mga mamamayan sa kalamidad at sakuna, bunsod ito ng pagkakalagda ng Regional
Disaster Risk Reduction Management Plan kamakailan at sa puspusang
kampanya ng RDRRMC ukol sa disaster awareness.
Patunay rito ang pagkakaroon ng zero
casualty sa Lanao del Sur at Maguindanao na tinamaan ng Bagyong Pablo nitong
buwan lamang.
Ngayon naman po, sa pagpasok ng taong
2013, nakalatag na ang ating mga plano at programa, mula sa Regional Government
hanggang sa barangay level.
Kasama sa ating mga prayoridad sa taong
2013 ay ang ating Bayanihan ng Mamamayan tungo sa Kapayapaan at Kasaganaan ng
ARMM, isang programa ng damayan at pagkakaisa ng mga initiatiba at programa ng
mga ahensya, local government units, donor communities, at civil society
organizations.
Isa rin sa ating prayoridad ang
Bottom-Up Budgeting, kung saan ang mga pag lalaanan ng pondo ay manggagaling
mismo sa mga mamamayan at local government units, upang matiyak na ito ay batay
sa pangangailangan ng mga tao. Kaagapay nito ang pagpapalakas sa ating revenue
generation at investment promotions.
Ang mga programang ating nailunsad at
ilulunsad pa lamang ay hindi po magiging posible o matagumpay kung walang
kaakibat na mga polisiya mula sa ating Regional Legislative Assembly.
Kaya’t sasamantalahin ko na ang
pagkakataong ito na magpasalamat sa ating mga kasama sa 7th Regional
Legislative Assembly sa pagpasa ng mga sumusunod na mahahalagang panukala:
Muslim Mindanao Autonomy Act 231 o ang Tax Oversight Committee, Muslim Mindanao
Autonomy Act 299 o ang Public Works Act, Muslim Mindanao Autonomy Act 288 or
ang Commission on Human Rights Act, Muslim Mindanao Autonomy 290 o ang
Appropriations Act, at ito, ang Muslim Mindanao Autonomy Act 292 o ang
Reproductive Health Care Act na naunahan pa ang kongreso sa pagpasa.
Sa mga kagagalang-galang at nagpipitagang
miyembro ng RLA, maraming, maraming salamat, at tunay namin kayong
ipinagmamalaki.
Ngunit hindi pa po tapos ang ating
trabaho. Muli, ako ay humihingi ng
suporta sa ating mga mambabatas, na magpasa ng mga batas upang magbigay daan sa
mga programang magpapatuloy sa mga naumpisahan na nating reporma.
Sa larangan ng Edukasyon, aking
hinihiling ang pag amyenda sa ating Basic Education Act of 2010 upang
maisabatas ang mga realidad na ating natutunan base sa ating mga panibagong pag
aaral at eksperiensya.
Ipinakikiusap ko rin na ipasa ang 2013
Public Works Act sa mas madaling panahon upang maumpisahan na ang mga
proyektong maglilikha hindi lamang ng mga sementadong daan kundi mga daan tungo
sa matatag na ekonomiya ng ARMM.
Matapos nating linisin ang bakuran ng
ating Rehiyonal na pamahalaan, at patatagin ang mga institusyong pang serbisyo
sa ating mga kababayan, tayo po ngayon ay tumutungo na sa pagpapatatag ng ating
ekonomiya. Ekonomiyang pakikinabangan hindi ng iilan lamang, kundi ng lahat ng
mamamayan. Ekonomiyang hindi para sa pagyaman ng iilan, kundi upang maiahon ang
lahat ng lugmok na kahirapan.
Kaya’t inaasahan ko rin, ang pagpasa ng
ARMM Omnibus Investment Act, Amendment of Revenue Code, ARMM Regional
Development Corporation Act, at Shari’ah Compliant Micro-Enterprise Fund
Act.
Matapos po ang matagumpay na Investment
Forum nitong nakaraang buwan na dinaluhan ng ibat-ibang investors mula sa
Malaysia, isa naman pong Microfinancing Summit ang nakatakda nating isagawa
dito sa unang buwan ng 2013 na dadaluhan din ng mga mamumuhunan mula sa bansang
Malaysia. Isang hudyat po ito na kinikilala na ang potensyal ng ARMM sa usaping
pandaigdigang ekonomiya, at muli, isang hudyat ng pagtitiwala.
Mga kababayan, inuulit ko po, ang
inyong lingkod ay kaisa ninyo sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan sa
ating Rehiyon at sa buong Mindanao.
Taos puso nating sinusuportahan ang
paglagda ng Framework Agreement on Bangsamoro sa pagitan ng Moro Islamic
Liberation Front o MILF at ng gobyerno ng Pilipinas.
Naniniwala po tayo na ang kasunduang
ito ang unang hakbang upang tuluyan ng mawakasan ang mahigit apat na dekadang
hidwaan sa Mindanao at opresyon laban sa mga Bangsamoro at makamit na ang tila
napaka-ilap na kapayapaan at kaunlaran sa bahaging ito ng bansa.
Handa po akong mag sakripisyo alang
alang sa pagkamit ng tunay na kapayapaan sa Mindanao at sa ating Rehiyon.
Nakikiusap din po ako, sa inyo na sana kayoy handa ring magsakripisyo. Ako,
kayo, tayong lahat ay dapat maging handa ring magsakripisyo alang alang sa
ating mga kababayan.
Ito po ang aking unang SORA, at ikinagagalak
kong ibinigay ito sa panahong nasa makasaysayang yugto ang Bangsamoro. Ang
pagpapatuloy ng ating naumpisahang reporma sa ARMM, at ang hinaharap nating
bukas ng Bangsamoro.
Nagumpisa po tayong nanungkulan na ang
tanging dala ay mahigpit na pananalig sa ALLAH , sa kakayanan ng Bangsamoro, at
lakas ng loob. Hindi ako nabigo, at ang panalangin ko ay sana hindi ko kayo
nabigo.
Mga kababayan, napatunayan natin na sa
pamamagitan ng pagkakaisa ng hangarin at pagtutulungan, kaya nating harapin ang
anumang hamon, kaya nating lutasin anumang suliranin. Kaya sa bawat tagumpay na
ating nakamit sa loob ng isang taon, pasalamatan po natin at palakpakan ang
bawat isa sa atin.
Tagumpay na para sa atin, ang ngiti ng bawat
bata na nakakapasok na sa maayos na paaralan. Tagumpay na sa atin ang tuwa ng
isang matandang ngayon lang nakakita ng doktor. Tagumpay na sa atin ang galak
ng isang guro na tumatanggap ng tamang sahod sa tamang panahon, tamang benepisyo
kung mag reretiro. Tagumpay na sa atin ang kasiyahan ng isang pamilyang
makakauwi na sa kanilang tahanan ng wala nang pangamba ng gyera. Tagumpay na
rin po sa atin na unti-unti na nating binibigyan ng kabuhayan ang ating mga
kababayan.
Ang mga tagumpay na ito ang ating
inspirasyon upang bigyang buhay at katuturan ang pangarap ng ating mga ninuno.
Mga kababayan, sama-sama nating ituloy ang
ating naumpisahang reporma. Alalahanin natin na kung walang mulat na mamamayan
na nagsusulong ng reporma, walang saysay kahit ano pa mang ganda at porma ng pamamahalaang maitatatag.
Handa na tayong harapin ang bukas, ngayon.
Maraming Salamat po at Magandang hapon sa
lahat.
No comments:
Post a Comment